Kaugnay ng selebrasyon ng ika-limampong taong anibersaryo ng SUKELCO, nakilahok ito sa sa isang medical mission na isinagawa sa bayan ng Columbio noong ika-9 ng Oktubre, 2025.
Dalawang barangay ang nakatanggap ng atensyong medikal kung saan unang pinuntahan ng taga-SUKELCO ang mga taga-Maligaya, Columbio sa umaga (8:00-11:45AM) at Sinapulan, Columbio naman sa hapon (12:30-4:00PM).
Nakasama rin sa naturang outreach activity si Pres. Suraina M. Kalid at OIC-General Manager Wilfredo M. Evangelista, PhD. Maliban sa SUKELCO ay nandiyan rin ang Sultan Kudarat Mobile Hospital (SKMH) kung saan may libreng dental at tuli rin na serbisyo sa mga nangangailangan. Ang SUKELCO ay nakilahok lamang sa kada-barangay na pagbisita ng butihing Mayor ng Columbio na si Hon. Amirh M. Musali kung saan may pa-ayuda, pa-sorbetes at pa-arroz caldo pa si Yorme.
Nagpapasalamat naman ang SUKELCO sa apat na doktor na matiyagang nagbigay ng atensyong medikal sa mga maysakit na residente ng Maligaya at Sinapulan. May isang doktor at isang dentista mula sa SKMH at dalawa mula sa SUKELCO sa katauhan nila Dr. Jay Elesis at Dr. Vladimer Rellon.
At dahil sa pakikipagtulungan ng SUKELCO sa Aboitiz, tatlong (3) malalaking karton ng mga gamot ang ipinagkaloob ng kompanya upang maipamigay sa mga benepisyaryo sa nasabing medical mission.
Naging matagumpay ang medical mission ng SUKELCO sa Columbio na tinatawag ring GINTONG KALINGA dahil kasali nga ito sa mga malalaking ganap para sa Gintong Taon ng SUKELCO bilang isang electric cooperative. Bago matapos ang Nobyembre ay may isa pang parehong outreach activity ang gagawin ng SUKELCO sa barangay naman na sakop ng SUKELCO Area 3.






































